Ano ang kasunod ng pagtanggal kay Corona?

Sa kauna unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas, tinanggal ng Senado ang isang chief justice ng Supreme Court (SC) o ang pinakamataas na hukom sa buong bansa sa pamamagitan ng isang impeachment trial.

Noong Mayo 29, 20 mula sa 23 senator-judges ang nagbigay ng hatol na “guilty” kay SC chief justice Renato Corona dahil sa hindi niya matapat na paghahayag ng lahat ng kanyang ari arian – pera at mga house and lot o condominiums — sa kanyang SALN o statement of assets, liabilities and net worth.

Ang hindi matapat na paghahayag ng lahat ng ari arian sa SALN taon taon ay isang paglabag sa batas na ang parusa ay pagkatanggal sa trabaho sa gubyerno at habambuhay na pagtanggal ng pagkakataong magtrabaho muli sa kahit anong sangay ng pamahalaan.

Bakit ganito kabigat ang parusa?

Dahil ang mga pera at ibang ari arian na di isinama sa SALN at di maipaliwanag ay maaaring galing sa marumi o hindi legal na paraan. Ang gamit ng SALN ay isang mahusay na paraan para sugpuin ang katiwalian sa pamahalaan.

Sa kaso ni Corona, ang kanyang suweldo bilang punong hukom ng SC ay P657,000 lang o P7.88 milyon bawat taon.

Pero noong humarap siya sa Senate impeachment trial noong Mayo 25 ay inilahad at inamin niyang meron siyang US$2.4 million at mahigit P80 milyon sa iba ibang bank accounts. Napilitan lang siyang humarap sa Senado matapos ibulgar ni Ombudsman Conchita Morales na posibleng may US$12 milyon o P648 milyon si Corona sa kanyang mga bank accounts, ayon sa mga record ng Anti Money Laundering Council, isang government agency kung saan nagbibigay ng report ang lahat ng mga bangko ukol sa malalaking dollar o foreign currency deposits at withdrawals ang lahat ng mamayan sa atin.

Ang paliwanag niya ay ipon daw niya at investments ang dolyares niya simula pa noong 1960s. Idinagdag niyang di na raw kailangang ihayag ang kanyang dollar deposits dahil daw sa Foreign Currency Deposit Act, isang batas na, ayon sa kanya, ay nagbabawal na ibulgar kahit kanino ang dollar o foreign currency bank savings ng isang tao. Sinabi rin ni Corona na ang peso deposits naman niya ay pinagsama-sama raw na ipon niya, anak at manugang niyang parehong nakatira at nagtatrabaho sa Amerika at perang galling sa Basa Guidote Enterprises, ang kumpanya na mga perang pinag-aawayan ng misis niya at mga kaanak nito.

Tinanggap ba ng karamihan ng mga senator-judges ang paliwanag niya? Hindi. “Mga palusot”, ayon kay prosecutor Rodolfo Farinas. Ganito rin ang paniwala ng maraming senator-judges.

Bakit palusot ni Corona? Hindi na raw kasi pani paniwala na makabuo ang isang bank depositor ng US$2.4 milyon mula lang sa ipon at kitang interes at pati na ang patuloy na pagbili ng dolyar para lumaki ang ipon. Sobrang baba rin kasi ang interes ng dollar deposits noong unang panahon at kahit ngayon. At ang sama-samang peso deposits? Nakakatawa, ayon kay Farinas, dahil bakit magpapadala ng milyon milyong piso sa Pilipinas ang anak ni Corona sa Amerika at manugang niya kung pwede namang doon mag-ipon sa dollar accounts sa Amerika ang dalawa? At bakit nga naman ilalagak ng anak ang milyones niya sa bank account ng ama niya gayong madalas na mga magulang pa nga ang madalas na naglalagay ng pera sa mga bank accounts ng mga anak nila?

Ang pinakamabigat na pagkukulang at mali ni Corona, ayon sa nakararaming mga senator-judges ay ang di niya paghahayag ng kanyang mga dollar deposits sa kanyang SALN.  Ke pesos o dolyar ay pag-aari pa rin niya ang mga ito at dapat inihayag. Mali rin daw ang tangka niyang magtago sa batas ukol sa foreign currency bank accounts.

At dahil siya ang pinakamataas na hukom ng bansa ay dapat na siya pa mismo ang dapat na tama ang basa sa mga batas, lalo na sa Foreign Currency Deposit Act.

Sinabi ni Corona na tanggap niya ang desisyon ng Senado na tanggalin siya sa puwesto, isang bagay na naaayon sa saligang batas ng Pilipinas.

Pero nakakabahala ang ilang pahayag ni Serafin Cuevas, ang kanyang pangunahing abugado, na maaari daw silang magsampa ng apila sa SC kung makita nilang inabuso ng Senado ang kapangyarihan nito na tanggalin si Corona sa pamamagitan ng impeachment. Talo ang bayan kung gawin nina Corona ang mag-apila sa SC.

Si Corona kasi ang hari sa SC bilang punong hukom. At malamang na kampihan siya ng mga kapwa niya hukom sa SC. Sana ay mahiya ang mga kapwa hukom na kampihan siya. Di kasi malilinis ang hanay ng SC at mga mababang korte sa buong Pilipinas kung patuloy na manunungkulan dito si Corona.

Usap usapan ang mga corrupt na hukom na ipinagbibili ang kanilang mga desisyon sa mga taong may pera. Kaya nga ba laging talo sa mga kaso ang mga mahihirap na tao. Kahit nga sa SC ay umaalingasaw ang baho dahil sa sunod sunod na kontrobersyal na desisyon na di umano’y ibinenta sa mga taong may pera.

Isang malinaw na halimbawa ang kaso ng mga flight attendants ng Philippine Airlines. Sa pamumuno ni Corona, tatlong beses na nagdesisyon ang SC na talo sa isang labor case ang PAL management at panalo ang mga flight attendants. Pero ang final decision ng SC ay biglang nabago at natalo pa ang flight attendants dahil sa isang sulat na ibinigay ng abugado ng PAL management sa SC judges. Ilang milyon kaya ang laman ng sulat na iyon? At sino sino kaya sa SC ang nakinabang?

Wasak ang reputasyon ng SC dahil sa kasong ito at iba pang mga kontrobersyal na mga desisyon nito sa pamumuno ni Corona.

Bakit mahalaga ang pagtatanggal kay Corona bilang punong hukom sa SC?

Dahil matitigil na malamang ang mga pinagdududahang mga katiwalian sa SC at mga mababang korte kung bago na ang punong hukom. Magkakaroon na marahil ng laban ang mga mahihirap kung ang kalaban nila sa kaso ay mayayaman. Magiging patas na siguro ang laban sa hustisya ng mahihirap at mayayaman.

At malamang na matitigil na rin marahil na gawing kanlungan o hingan ng saklolo ng mga kawatan sa gubyerno at private sector ang mga tiwaling hukom na nagbebenta ng kanilang mga desisyon.

Ano ang kahalagahan sa nakararaming mga Pilipino, kabilang na ang mga OFWs, ang pagtatanggal kay Corona? Napakalaki.

Kung ang pinakapuno mismo ng isa sa tatlong sangay ng pamahalaan ay tinanggal dahil sa paglabag ng saligang batas at mga gawaing tiwali, gaya ng di niya maipaliwanag na yaman, tiyak na matatakot ang ibang mga kawatan sa gubyerno. Ang mga kawani na may balak magnakaw ay malamang itigil ang balak nila.

Ang serbisyo ng mga kawani ng pamahalaan ay malamang na gaganda sa mga mamamayan kahit mahihirap. Para sa mga OFWs, mababawasan na siguro ang mga pangongotong ng mga corrupt na customs personnel lalo na sa NAIA 1. Ang pagnanakaw sa pera ng mga OFW members ng OWWA, gaya ng nangyari noong panahon ni dating presidente Gloria Arroyo, ay maaaring matigil na rin. At sana rin ay matanggal o masampahan ng kaso ang mga labor at ibang opisyal na nagbubulag bulagan sa mga tiwaling gawain ng mga recruitment agencies na patuloy na sumisingil ng mahigit P100,000 para sa mga Pinay na gustong pumunta ng Hong Kong para magtrabaho bilang domestic helpers.

Maraming magandang pagbabago ang maasahan ng lahat ng Pilipino sa malaking pagbabago sa ating pamahalaan, laluna na ang pagtatanggal kay Corona bilang punong hukom sa SC.

Lalong lalakas ang kampanya laban sa mga tiwali at corrupt na mga kawani sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. At gaganda na marahil ang serbisyo ng mga kawani ng gubyerno sa mga mamamayan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s