MAYABANG BA ANG PINOY?

Image

(Komentaryo at pagsusuri sa hidwaang Pinas-Hong Kong ukol sa 2010 Luneta hostage crisis)

Galit pa rin ang Hong Kong sa Pilipinas dahil walong Hong Kong tourists ang namatay sa rescue operation ng Manila police sa Luneta Park noong Agosto 2010.

Sa halip na humupa ng galit ng Hong Kong, lalo pa itong tumindi kahit mahigit ng tatlong taon ang nakaraan mula ng naganap ang trahedya. Kaya nga mismong si Hong Kong chief executive Leung Chu-ying ay nagbanta na ng di niya isiniwalat na retaliatory actions laban sa Pilipinas kung hindi maaayos ang gusot sa magkabilang panig.

Malinaw ang paglala ng problema. May mga pulitiko sa Hong Kong na nagtawag na pansamantalang pagpapatigil sa pagpasok ng mga Pinay na domestic helpers dito. Maraming OFWs ang natakot dito. Mayroon ding nagmungkahi na higpitan ang pagpasok sa Hong Kong ng mga turistang Pinoy. Naroon din ang mga panawagan na pansamantalang itigil ang pag angkat ng Hong Kong ng mga produkto mula sa Pinas.

Dalawang bagay ang hiling ng Hong Kong mula sa Pinas para ganap na maayos at matapos ang problema. Una ay magbigay ng formal apology sa Hong Kong ang Pilipinas ukol sa insidente. Pangalawa ay magbigay ng monetary compensation sa mga pamilya ng nasawi.

Tinanggihan ng Pinas ang mga hiling ng Hong Kong. Kaya nga galit pa rin ang Hong Kong at ayaw pa rin nitong tanggalin ang abiso sa mga citizens nito na huwag munang bumisita bilang turista sa Pinas.

Maraming Pinoy sa Hong Kong ang sang ayon sa posisyon ng pamahalaan ng Pinas – huwag magbigay ng apology. Bakit nga naman magbibigay ng apology ang Pinas kung wala namang sapat na dahilan? Bakit papayag ang Pinas, isang maliit na bansa, na abusuhin siya ng walang sapat na dahilan ng Hong Kong porke ito’y mayamang siyudad na bahagi ng isang super yamang bansa, ang China? Bakit papayagang yurakan ang national pride ng mga Pinoy na dapat ngang ipaglaban kahit nga ba host city at employer ang Hong Kong ng kulang kulang na 200,000 na mga Pinoy?

Bakit marami namang bansa na hindi hiningan ng apology kahit may mga foreign hostages na namatay sa rescue operations ng law enforcers sa mga bansang ito? Bakit ba parang singled out yata ang Pinas porke may namatay na walong Hong Kong hostages sa Luneta rescue operations?

Ganito ang katwiran at takbo ng isip ng mga Pinoy sa Hong Kong na hate na hate ang magbigay ng apology ang Pinas sa Hong Kong.

Very nationalistic! Very patriotic! But is this sense of nationalism and patriotism very well placed? Tama kaya ito o baluktot? Lalo pa’t Pinas vs Hong Kong ang laban gaya ikanga ng mga sabong ni Pacman? Simple bang black and white ang sitwasyon sa Luneta hostage crisis na ayos lang tingnan ng mababaw at makitid?

O kailangan kaya ng mas malalim na pagsusuri at mas malawak na pananaw?

Napag isip isip kaya ng hardline Pinoys na hate na hate ang apology ang mga sumusunod na tanong:

1] Bakit hindi ginamit ng mga opisyal ng Pinas ang pinakamahusay at pinakabeteranong law enforcers para sagipin ang mga Hong Kong hostages? Bakit yung Manila police SWAT team na hindi sanay at bagito sa rescue operations na kulang kulang sa gamit at kaalaman ang ginamit?

2] Ginawa ba ng husto ng mga opisyal ang lahat ng magagawa nila para maiwasan na marami ang mamatay? Halimbawa, bakit hindi na lang sharpshooters ang ginamit para mapatay ang nag iisang hostage taker sa halip na paulanan at bistayin ng bala ang tourist bus kung saan walong hostages ang namatay?

Ang litrato na nagpapakita ng isang pulis na pilit na ginigiba ang pinto ng tourist bus ay isang malaking KATANGAHAN! Bakit di nila naisip ang emergency door ng tourist bus para sana mabilis silang nakapasok at nasorpresa sana ang gunman? Ang mahusay na rescue ay dapat mabilis at planado ng husto para masupil agad ang hostage takers at maiwasan ang pagkamatay ng hostages.

3] Maipagmamalaki at maipagyayabang ba natin sa buong Pinas at sa buong mundo, kasama na ang Hong Kong, ang ginawang rescue operation sa Luneta? Sa youtube ay madaling makikita kung gaano kapalpak ang Luneta rescue operation kung ihahambing ito sa mga maingat kaya’t successful rescue operations sa iba’t ibang bansa, gaya ng ginawa sa Iranian embassy sa London noong 1980,  sa Munich, Germany noong 1972 at sa Uganda, Africa noong 1976.

Ang mas malaking tanong ay ito: Mayabang ba ang Pinoy at kahit na ang malinaw na kapalpakan ay ipagpipilitang tama at dapat pang ipagmalaki? Porke ang magkatunggali ay Pinas at isang dayuhang siyudad, gaya ng Hong Kong?

Talaga bang super hirap makita ng mga kritiko ng apology na palpak ang ginawang rescue operation at mas malaking kapalpakan ang desisyon ng mga opisyal na nag utos na gawin ang rescue operation?

Sa usapin sa South China Sea ay matibay ang posisyon ng Pinas at natural na dapat suportahan ng lahat ng Pinoy dahil ang mga isla at teritoryong pinagtatalunan ay mas malapit sa Pinas kaysa sa China. Dito ay wala sa lugar ang China kaya’t malinaw sa lahat ng Pinoy na dapat ipaglaban ang mga karapatan ng Pinas ukol sa sakop nitong teritoryo.

Pero paano ipaglalaban ng mga Pinoy ang pamahalaan niya kung ang ilang mataas na opisyal nito, gaya ng mga humawak sa Luneta Park hostage crisis, ay palpak ang ipinagawang rescue operation  habang kinakatawan nila ang local at national governments natin?

Ngayon ay sunod sunod ang batikos ang inaabot ni Presidente Benigno Aquino dahil sa iba’t ibang  kapalpakang nakikita sa administrasyon niya. Sa kabilang banda naman ay kapuri puri ang paglaban ng gubyerno niya sa graft and corruption at pagpapalawak ng serbisyo sa publiko. Pero sa kabila nito, may makikita pa ring mga kapalpakan sa iba’t ibang ahensiya at serbisyo ng gubyerno. At natural lang na banatan ang mga ito ng mga kritiko, lalo na ng taong bayan.

Kung maraming kapalpakan ang gubyerno na inuupakan ng publiko, bakit hindi yata makita ng maraming Pinoy sa Hong Kong ang palpak na hostage rescue operation sa Luneta noong 2010?

At insulto ba sa dignidad ng isang tao ang humingi ng dispensa kung may nagawa siyang kapalpakan? Mayroon bang perpektong tao na walang kapalpakang nagawa kahit minsan?

Insulto ba sa dignidad ng Pinas kung humingi ito ng dispensa sa Hong Kong dahil sa palpak na rescue operation sa Luneta? O ang ganitong kilos ba ay maginoong pagpapakumbaba ng kakulangan na magsisilbing gabay para sa mas mahusay na pagkilos sa hinaharap kung may maulit na hostage-taking incidents?

Mayabang ba ang Pinoy at wala sa bokabularyo niya ang umamin ng kapalpakan at humingi ng dispensa para manumbalik ang normal na relasyon nito sa Hong Kong?

Di nga ba’t ang pagpapakumbaba at paghingi ng kapatawaran sa kakulangan at kasalanan ay isang pundasyon ng ating Catholic faith? May sapat bang dahilan para talikuran ang ganitong panuntunan dahil lang sa kagustuhang di madungisan ang mukha – kahit may kapalpakang nagawa?

Sa isang pulong ni Manila mayor Joseph Estrada kamakailan sa ilang miyembro ng media, kasama si Neal Cruz, kolumnista ng Philippine Daily Inquirer, sinabi ni Erap na kinausap daw siya ng isang mataas na opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) ukol sa sigalot ng Pinas sa Hong Kong.

Ano ang sabi ng DFA official kay Erap? Ayon kay Cruz, pinakiusapan daw si Erap ng DFA official na huwag munang palabasin ni Era pang apology ng Manila city government.

Hintayin daw muna ni Erap ang kilos ng national government at posible raw na pagsabayin na ang pagbibigay ng apology sa Hong Kong ng Manila city at ating national governments, dagdag pa ni Cruz.

Ang ganitong napipintong kilos ay malinaw na magpapakita na mas mahalaga ang kapakanan ng sambayanang Pilipino at panunumbalik na normal na relasyon ng Pinas sa Hong Kong – kaysa sa tigasan ng mukha ukol sa pagbibigay o pagdaramot ng paghingi ng dispensa para sa isang kapalpakan.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s